Usaping Pang-Rehab
>> Friday, July 30, 2010
May dalawang taon na rin pala mula ng magkaroon ako ng pagkakataon na makahawak ng mga pasyente sa ospital. Kung hindi mo pa alam, isa akong physical therapist (PT). Marahil eh hindi ka pamilyar sa mga kagaya namin dahil hindi naman 'to kasing patok ng mga nurse. Hindi mo kami makikita sa bawat floor ng ospital gaya nila. Madalas eh nasa lungga lang namin kami dahil ang mga pasyente naman ang pumupunta sa amin at lumalabas lang kung may mga pasyente na kelangan puntahan sa ward nila.
Pero ano nga ba ang trabaho ng isang PT? Tanggalin ang ngalay at pananakit ng likod, banatin ang ng mga kalamnan para maitaas ang mga braso at makapagsuot ng tshirt, palakasin ang muscles para mabuhat ang isang bag, turuan maglakad ang mga di makalakad, magpataas ng cardiovascular endurance para mas malayo ang malakad, at kung kaya na, umakyat at bumaba ng hagdanan. Lahat ng yan ng hindi gumagamit ng gamot. Simple lang ang layunin ng trabaho namin, yan ay ang turuang mamuhay ang pasyente ng di umaasa sa tulong ng iba at mamuhay ng kumportable. May mga paraan kaming pinagaralan, pinaghirapan at pinagpaguran sa loob ng limang taon.
Makikita mo ang mga PT sa Rehabilitation Department ng mga ospital. Pwedeng "PT Dept", "Physical Medicine and Rehab Dept." or kung ano pa man na may kinalaman sa rehabilitation. Ngayon alam mo nang pagsinabing rehabilitation eh hindi lang yun nangangahulugan ng mga drug addict na nagbabagong buhay. Sa amin, nagbabagong buhay ang mga lolang may osteoarthritis, mga tatay na na-stroke dahil sa mga kunsumisyon sa buhay, mga businessman na nagka-heart attack dahil sa mga bisyo, mga simpleng nanay na nagpaopera dahil sa kanser sa suso, at mga batang di sinasadyang mabuhusan ng kumukulong tubig or kung minsan eh nadidislocate ang siko kakahila ng mga yaya. Nandyan din ang mga lolong nabaril sa tuhod na nagpapalit ng tuhod, basketbolistang tawa pa rin ng tawa kahit na naputulan ng litid sa tuhod, at mga simpleng tauhan ng kumpanya na sumasakit ang likod at batok dahil sa maghapong naka-upo at naka-harap sa computer na sabay-sabay dumarating pagkatapos ng office hours. Silang lahat ay may karamdaman na kailangan maibsan. At yan ang tinatrabaho ng PT sa ospital.
Bukod diyan, pwede din makita mga PT sa gym nagtuturo ng mga exercise sa mga health buff, sa mga institusyon ng seguro (insurance companies) bilang taga-check kung dapat nga bang aprubahan ang hinihinging reimbursements, at mga eskwela bilang mga clinical instructors at magturo sa mga susunod na henerasyon ng PT.
Masarap ang pakiramdam ng nakakatulong. Masarap ang pakiramdam ng mawalan ng masakit na likod. Mas masarap ang pakiramdam kung mapalakad mo ang isang na-stroke. Yung makita mong mula sa pagkakaratay sa hospital bed ay ngayon andito na sa harap mo, nakatayo, kausap ka hawak ang kanyang tungkod. Yun na ata ang pinakamasarap na pakiramdam na naranasan ko. (Pagkatapos nyan eh aabutan ka pa ng cake, pera at iba pang "HH" o hut-hot. Talaga namang napakasarap ng pakiramdam! Haha)
Sa rehabilitation, kasing halaga ng pisikal na lakas ang tibay ng loob at tiwala sa sarili. Tibay ng loob dahil matagal na panahon ang kanyang kailangang gugulin at hindi mo madalas makukuha ang improvement na iyong inaasahan sa loob ng isang session lang. Tiwala sa sarili na kaya niyang bumalik sa dating kakayahan at makatayo sa sariling mga paa.
At sa mga pagkakataong ito, mahalaga na ang mga pasyente ay mayroong suporta mula sa kanilang mga kakilala. Sa totoo lang, yung ibang pasyente eh kailangan lang talaga ng kausap. Konting usap lang sa kanila, nawawala na pananakit ng balakanang. Madalas, kung walang kasama ang mga pasyente, kami na tumatayong moral support. Kaya madalas, masayahing mga tao ang PT. Para sa mga pasyente. Tsaka kung hindi, baka mabaliw na kami sa mga problema nila at sariling mga problema!
Ganyan ang PT. Ang kinasasama lang ng loob namin ay yung pagkaka-ban ng mga PT sa Amerika ngayon at ang matawag na MASAHISTA sabay tawa ng malakas! Isang topic lang yun ng aming malawak na kaalaman. Hindi kami nag-aral ng limang taon para lang matawag ng ganyan. Ewan ko ba kung bakit kami kinakahon ng mga tao sa mga letrang iyan.
Uulitin ko. HINDI KAMI MASAHISTA!
(Last year, sa parehong petsa ay nalaman kong pumasa ako ng board exam. Noong isang araw, may mga bago na ulit na PT. Kung isa ka dun, congrats sa iyo!)