Hole in the Wall
>> Tuesday, August 10, 2010
Mahigit sampung taon na din pala akong nagbabyahe sa daan. Papunta sa eskwela, sa mall, sa ospital, o pauwi ng bahay. Minsan may kasama. Madalas ay mag-isa. Sa totoo lang, mas gusto ko ng walang kasabay. Mabilis kasi ako maglakad. Kung may kasabay sa daan ay mas matagal akong makarating sa pupuntahan. Pero minsan kahit na ako lang mag-isa ay pakiramdam ko ambagal ko pa din.
Lalo ko yang napapansin kapag paakyat ako ng MRT station sa Taft. Andiyan ang taong sasalubong sa'yo habang paakyat ka. Nilagyan na nga ng harang pero ayun, tatawid pa rin sa kabilang lane, makababa lang. Sarili lang ang iniisip. Walang kadisi-disiplina! Nasanay na ata ang mga commuter na ganyan. Kaya akala nila ay normal lang. Pero alam kong mali yan. Kaya ako, binabangga ko sila. Sumabit man ang bag nila sa akin o maipit sila sa mga lubid, wala rin akong pakialam. Alam ko kasi na nasa tamang lane ako. At sila ang mali. Kung hindi sila tumawid ng bakod, hindi ko sila mababangga. Yan ang katwiran ko. At sabi sa channel 2 dati, tuwing linggo ganap na 2:30 ng hapon, kung nasa katwiran ka, ipaglaban mo!
Pagnaka-akyat na at tatawid sa kabilang dulo, bubungad naman ang sandamakmak pang lubid at stand nito. Para maging maayos ang sistema ng mga tao. May nakasulat naman sa taas na "Pasukan" at "Labasan" pero ewan ko ba kung bakit sasalubungin pa rin nila ang kabilang linya. Hindi naman sila mukang mga mang-mang para mag-counter flow at hindi mabasa yun. Ewan ko ba. Marahil eh sila rin yung mga bumaba sa maling lane.
Tapos, makikita ko na ang mga tinderong may dalang kung anu-ano: de-kuryenteng pamatay lamok, yung sewing machine na handy, yung panghinunuli na may ilaw at ang pinakabago kong nakita na Power Balance bracelet. Minsan andyan din ang nagtitinda ng payong na bigla na lang magsusulputan kahit ambon lang. Basta mga Palos sila. Biglang lumalabas, ambibilis! Dati may stand pa ng coloring books kaya mas matagal pa ang inaabot ko makatawid lang sa kabila. Syempre yung mga mommy na pauwi, titingin para ibili ng pasalubong ang mga anak nila. Okay ang magtrabaho at may kabuhayan. Pero sana dun naman sa tamang lugar. Hindi dun sa daanan!
Maglalakad ako hanggang LRT-Edsa Station. Sa limang taon kong pagsakay nito ay may spot na ako para sa pagbukas ng pinto. Hindi na ako yung tipong nakikipagtagisan ng lakas makapasok lang. At sa loob ng tren, present pa din ang mga taong gamunggo ang utak. Ang hand rail ay hawakan at hindi sandalan. Kaya nga tinawag na hand rail eh! Pang-kamay! Pero may mga taong walang konsiderasyon at sasandal dito. Kaming mga no choice, instead na buong kamay ang nakaikot sa tubo, mga dulo na lang ng daliri ang nagiging pangkapit. Ang hirap kaya! Lalo na kung magbebreak! Ang hirap magbalanse ah!
Hindi pa diyan nagtatapos. Kapag palabas na may mga ayaw umusog. Akala mo ay mga bingi. Minsan tuloy, sinasadya ko na silang apakan. Makalabas lang. At pagmalapit ka na sa bukana, andyan naman ang sasalubong sa'yo. Kulangn na lang sabitan ka ng sampagita. Ang lakas ng hinga ko pagkalabas. At ang sarap ng pakiramdam!
Pagkababa ng station ay sasakay na ng jeep. Nakakatuwa na ngayon ay may No Smoking na ordinansya ang LTFRB. Pero meron pa ring mga driver na matitigas ang ulo. Ang laki na ng karatula niya, siya pa mismo ang sumusuway dito! Kaya ako, todo takip ng ilong sa likuran niya. Hindi ko naman sinasadya na dun umupo dahil ang mga tao eh sadyang mas gusto talaga sa may pintuan. O kung hindi man ganun eh mga nakapa-side ang upo at nag-e-emo sa bintana. Akala mo may shooting para sa videoke!
Anong pinupunto ko dito? Kung siguro lahat ng Pilipino ay may disiplina at may konsidersyon sa iba, hindi magiging ganto kahirap ang magbyahe araw-araw. Hindi ganto kahirap ang buhay. Mababawasan siguro ang pagod ng bawat commuter na nakikipagtulakan sa pintuan ng LRT gayundin ang mga balikat na aking sadyang babanggain paakyat ng hagdanan. Isama mo na rin ang mga ipapahiya ko sa jeep para lang sabihing umayos sila ng upo at ang mga paa na sasadyain kong apakan para lang makalabas. Hindi na kailangan ng security guard na tutusuk-tusok sa gamit mo sa bawat building na papasukan mo. Kung may disiplina at konsiderasyon, wala ng lamangan na magaganap.
Anong mahirap sa pagsunod sa kung saan dapat bababa, aakyat, maninigarilyo, hindi maninigarilyo, iihi, tatawid, pipila, maglalako ng paninda, papara ng jeep, magtatapon ng bote ng mineral water o C2 at kung anu-ano pang shit. Dapat pa bang isabatas na dapat diretso ang upo sa jeep, na bawal sandalan ang hand rail, o bawal magkwentuhan sa daan para lang maisaayos ang lahat? Simpleng simple na lang yun. Hindi pa magawa. May mga batas na hindi nasusulat. At sa tingin ko mas mahalaga pa yon. Ano bang gusto ng mga tao, sumusunod dahil sa parusa? O dahil sa may malasakit sa kapwa?
Kung lahat siguro ng tao ay may disiplina at may konsiderasyon sa iba, mas mabilis tayong makakarating sa gusto nating puntahan.
Alam kong utopic masyado.
Gusto ko lang talagang makauwi kagad sa bahay dahil Hole in the Wall na! Hindi ko na tuloy naabutan. Gustung gusto ko sumali dun! Last season pa!
7 Nagpatay-sindi:
Tama ka dyan, Marlo! Walang kadisi-disiplina ang mga tao!
Nakarelate ako sa LRT... haha!
Actually, nakarelate ako sa lahat ng nabanggit mo dito. hehe!
oo badtrip nga sa MRT sumakay lalo na kapag rush hour.
ok yung practice sa hole in the wall ang matutong sumiksik sa konting uwang
Tatlong beses lang akong nkasakay ng MRT sa tanang buhay ko at hindi ko feel hehehe...
ang sarap ngang pagtitirisin ang ga taong walang konsiderasyon sa iba hays!
Salamat sa pagpalo (Follow) parekoy!
@marco: Badtrip ano? Haha. Gusto mo din mag Hole in the Wall?
@kikilabotz: hindi ko naisip yan ah! Pero mukang magandang training nga! HAHA
@jag: Wow. 3x ka palang? Ayos ah. Mayaman! HAHA
'Yan ang mga bagay na hindi ko nami-miss sa Pinas. LOL. Disiplinado kasi mga tao dito sa Singapore.
@Sir Gasul: Oo nga. Sabi ng mga kaibigan kong galing dyan sir. Grabe naman kasi ang mga parusa diyan. Maghihirap ka talaga kung hindi susunod!
mahirap nga tlg ang disiplina dito sa pinas.. nakakalungkot na nakakatuwa.. malungkot dahil sa mga punto na sinasabi mo pero nakaktuwa din minsan dahil pacute ang mga pagkakamaling ito na enjoy minsan pagtawanan.
Post a Comment